May pagsubok na kinakaharap ngayon ang actress-turned-politician na si Alma Morena dahil sa kanyang karamdaman na wala umanong lunas, at maaaring maging dahilan para siya maging paralitiko.
Sa panayam ni showbiz reporter Lhar Santiago, sinabi ni Alma na mayroong siyang multiple sclerosis. Natuklasan umano ng aktres na mayroon siyang ganitong karamdaman noong 1990s.
Nitong nakaraang buwan, nakita umano ng isang anak ni Alma ang pag-atake ng sakit sa kanyang ina. Nagkukulong daw kasi ang aktres sa kuwarto kapag sinusumpong ng sakit.
Kapag umatake ang sakit, ang pasyente ay hindi umano makakilos, masakit ang ulo at buong katawan. Sinisira din umano ng sakit ang nerve cells sa utak at spinal cord ng tao.
Walang gamot dito e. Totoo yan kapag inatake ka at bumigay na talaga yung katawan mo, paralyzed ka po talaga," pahayag ni Alma sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Miyerkules.
Ang hirap na wag naman sana kunin na lang ako pag ganun," halos naluluhang pagtatapat ng aktres.
Bukod sa naaapektuhan ng sakit ang galaw ng katawan ng tao, naaapektuhan din nito ang mata ng pasyente na nagiging dahilan ng paglabo ng paningin.
Ayon kay Alam, mayaman siya sa sakit. Bukod sa multiple sclerosis, diabetic at mayroon din umano siyang high blood.
Sa ngayon, sumasailalim si Alma sa tinatawag na alternative treatment na kung tawagin ay stem cell therapy. Sa naturang proseso, isinasaksak sa aktres ang serum ng inunan at umbilical cord ng sanggol.
Paliwanag ng doktor ni Alma, direktang inaayos sa proseso ng stem cell therapy ang problematic area sa kalusugan ng aktres o ang short circuit system nito sa katawan.
See the article here:
Alma Moreno, sumasailalim sa stem cell therapy para sa kanyang sakit na walang lunas